Ang Kapana-panabik Na
Kasaysayan Ng Vigan,Ilocos Sur
Ang makasaysayang Lungsod Vigan ay matatagpuan sa
hilaga kanlurang bahagi ng baybaying lalawigan ng Ilocos Sur. Kilala ang
lungsod dahil sa makasaysayang mga bahay at gusaling pinagplanuhan, idinisenyo
at itinayo na may impluwensiyang Asyano, Europeo at Latino Amerikano na
matagumpay na naalagaan ng mga mamamayan nito mula pa noong ika-16 na
siglo
---------------------------------------------------------------
Dating isla ang Vigan na
napapalibutan ng Ilog Abra, Govantes at Mestizo, na umiikot sa paligid nito.
Ang pangalan nito ay kinuha sa kabiga-an, isang uri ng halamang dating
nananagana sa pampang ng Ilog Abra
Bago pa ang panahon ng
pananakop ng mga Kastila ay kilala na ang Vigan bilang isang pook-kalakalan sa
pagitan ng mga katutubo at ng mga komersyanteng Intsik na sakay ng mga junk
(barko) na bumabagtas sa Ilog Mestizo upang makipagpalitan ng exotic goods mula
sa mga kaharian ng Asya para sa beeswax, ginto at iba pang kalakal mula naman
sa mga bundok ng Cordillera. Ang mga dayuhan na karamihan ay Intsik ay nanatili
sa Vigan at nakapag-asawa ng mga katutubo. Dito nagsimula ang multi-cultural na
lahi ng mga Biguenyo.
Noong panahon ng
pananakop ng mga Kastila, nang matapos ni Juan de Salcedo na kilalang
manlulupig na Espanyol ang matagumpay na ekspedisyon at pagtuklas sa Norte ay
ginantimpalaan siya ng hari para sa kanyang paglilingkod. Ibinigay sa kanya ang
lumang lalawigan ng Ylocos bilang kanyang encomienda. Nang siya ay encomiendero
na at Justicia Mayor ng Ilocos ay nagbalik siya sa Vigan na una niyang
natuklasan noong Hunyo 12, 1572. Naging mainit ang pagsalubong sa kanya ng mga
katutubo roon dahil sa naging mabuting pagtrato sa kanila ni de Salcedo noon.
Ginawa niyang kabisera ang Vigan ng buong Ylocos na noon ay binubuo ng Ilocos
Sur, Ilocos Norte, Abra, La Union at ilang bahagi ng Mountain Province. Noong
Enero 1574, nagsama siya ng mga misyonerong Agostino upang mangaral tungkol sa
Ebanghelyo at itinatag niya ang Vigan bilang isang Kastilang lungsod upang
mangibabaw sa mga kalapit-bansa ng Pilipinas.
Si Juan de Salcedo ay
ipinanganak sa Mexico noong 1549 , siya ay ang pangalawang pinakamatanda apong lalaki
ni Miguel López de Legazpi . Sumama siya kila Legazpi at sa kapatid na
lalaking si Felipe de Salcedo noong 1564 para sa sakupin ang Pilipinas, noon ay
15 taong gulang pa lamang siya. Sa 1569 , si Salcedo ay humantong sa isang
hukbo ng mga tatlong daang-sundalo kasama si Martin de Goiti para sa pagsakop
sa Maynila . Doon sila nagkaroon ng maraming laban, laban sa mga pinuno ng
Muslim at para sirain ang kaharian nito noong 1570 at 1571 .
---------------------------------------------------------------
Mga Pamana ng Nakaraan
Maraming matatandang
gusaling naipatayo ilang dantaon na ang nakalilipas ang makikita pa sa Lungsod
Vigan sa kasalukuyan.
Sa Kalye Mena Crisologo sa
Mestizo District ng lungsod ay naroon ang humigit-kumulang sa 150 na bahay na
bato. Makikita sa mga ito ang galing ng mga artisanong Filipino bago pa
dumating ang panahon ng modernong materyales at teknolohiya sa pagtatayo ng
gusali. Ang bahay na bato lamang ang nakatatagal sa lindol at bagyo na madalas
bumisita sa rehiyon ng Ilocos. Ang bubong nito ay yari sa tisa habang ang
ikalawang palapag at ang sahig ay yari sa kahoy. Marami sa mga ito ay nasa
maayos pang kalagayan at ang ilan ay ginawang mga otel, museo, tindahan ng mga
souvenir, kainan o bar.
Ang maringal na St. Paul
Metropolitan Cathedral na ipinatayo ng mga prayleng Agostino at nakumpleto
noong 1790 ay ginamitan ng katangi-tangi lamang sa mga Ilokano na istilong
Earthquake Baroque (dahil sa mga lindol na naranasan noon sa Ilocos) at may disenyong
paulit-ulit na ginamit sa kabuuan na istilong Neo-Gothic at Romanesque. Sa
Plaza Burgos matatagpuan ito, ang kampanaryo (mahigit isang dantaon nang
naitayo) nito at ang bahagi ng Seminaryo Vigan na hindi tinupok ng apoy. Ang
loob ng simbahan ay may tatlong nabe (nave), 12 na altar at isang choir loft.
Makikita ang impluwensiyang Tsino sa altar sa baptistry, sa pinanday na tansong
communion handrail, sa dalawang asong Fu sa labas lamang ng katedral at sa
hugis octagon ng pinakaulo (dome) ng katedral. Makikita rin ang kasalukuyang
Ayuntamiento Municipal, ang Casa Real (Provincial Administrative Building) na
may disenyong American Colonial at katapat lamang ng katedral, ang Colegio de
Niñas, ang unang paaralan para sa mga batang babae sa Hilagang Luzon at ang
Palasyo ng Arsobispo sa Plaza Burgos, ang plaza na itinayo bilang parangal kay
Padre Jose Burgos, isa sa tatlong paring Filipino na hinatulang mamatay sa
garrote ng mga Kastila dahil sa pagtataguyod ng mga pagbabago sa simbahan. Ang
napabantog na “empanada” ay dito niluluto noong araw. Sa kasalukuyan, may ilang
tindahan pa ring nagtitinda ng “empanada”. May food court din sa plaza at parke
para sa mga bata.
Ang Museo Nueva Segovia sa
loob ng Palasyo ng Arsobispo ay may koleksyon ng mga mamahaling antigong
kagamitang pansimbahan at relikya mula sa mga simbahan sa rehiyon ng Ilokos.
Ilan sa mga ito ay ang mga larawan ng mga sinaunang obispo, mga imaheng kahoy
(life-sized) ng mga santo, mga kasuotan ng pari at obispo at isang
tabernakulong pilak na ginagamit hanggang ngayon tuwing Semana Santa. Naroon
din ang artsibo ng arkidiyosesis at ang throne room. Ang Palasyo (Arzobizpado)
ang nagsilbing punong-himpilan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 1899
Sa kanluran ng katedral ay
makikita ang Plaza de Salcedo kung saan itinayo ang pinakamatandang monumento
sa Ilocos noong ika-17 dantaon bilang parangal kay Juan de Salcedo, ang
conquistador na ama at tagapagtatag ng Villa Fernandina de Vigan.
Ilan pang mainam pasyalan sa
Vigan ay ang Museo at Aklatang Padre Jose Burgos, Museo San Pablo, Museo
Crisologo, Aklatang Panlalawigan ng Ilocos Sur, Aklatang Vigan, Aklatan ng PIA
at ang Museo Quirino.
Labing-apat na larawan ang
kinomisyong ipinta ng pamahalaang Kastila ng Vigan na sumupil sa Basi Revolt
noong 1807 (nagsimula sa Piddig, Ilocos Norte at nagtapos sa Ilog Bantaoay)
upang ipakita ang mga pangyayari sa pag-aalsang ito at bigyang babala ang mga
katutubo sa mga binabalak pang pag-aalsa. Inihalintulad sa Daan ng Krus ang mga
larawang ipininta ni Esteban Pichay Villanueva (1797-1978). Kahit na may
pagkiling sa mga mananakop ang mga larawan, naipakita rin ang pagpupunyagi ng
mga Filipino para sa kalayaan. Ipinakita rin ng mga larawan ang isang
mahalagang estado sa pag-unlad ng sining ng pagpipinta sa Pilipinas. Bago ang
panahon ni Villanueva ay kadalasang relihiyoso ang tema ng mga ipinipintang
larawan. Sa kasalukuyan ay makikita ang labing-apat na larawan sa sangay ng
Pambansang Museo sa Vigan, ang lumang bahay ng mga ninuno ni Padre Jose Burgos
kung saan isinilang ang paring bayani. Bukod sa mga larawan ay makikita rito
ang mga kayamanang mula pa sa panahon ng primitibong lipunan hanggang sa
kasalukuyan, antigong koleksyon, mga diorama ng makasaysayang pangyayari at
isang Hall of Fame ng mga bayani at iba pang bantog na Ilokano.
Ang Museo San Pablo ay
makikita sa silangang bahagi ng Katedral. Mga kagamitang pangrelihiyon, mga
materyales sa paggawa ng mga Bahay Vigan at mga larawan ng Vigan noong ika-19
na siglo ang makikita rito.
Ang Museo Crisologo na nasa
pangangasiwa ng Pambansang Museo ay nag-iingat ng memorabilia ng yumaong
Kongresista Floro Crisologo at ng mga orihinal na kagamitang dating nakikita sa
mga Bahay Vigan.
Ang mansyon ng mga Syquia o
Museo Quirino ay itinayo noong 1830 at makikita rito ang mga muwebles at iba
pang kasangkapan mula pa sa siglo ika-19 at ang mga memorabilia ng yumaong
Pangulong Elpidio Quirino.
-------------------------------------------------------------------
Matalino’t
matulungin yan ang mga taga-Vigan. Tunay na palakaibigan kahit kanino man.
Lubos ang kasipagan, laging maasahan. Malawak ang kaisipan saan mang larangan.
Mapa-pulitika man o sa larangan ng pagsulat. Sila’y maipagmamalaki nating
lahat. Kaya naman mga kaibigan, halina sa Vigan upang magkaroon ng maraming
kai-VIGAN.
mahusay pakasulat mo nang blog.magaganda din ang mga larawang ginamit mo.THUMBS UP KA SA AKIN!!! Sakit.info
TumugonBurahin